mula sa Hades ng aking pag-iisa
dumating ka, kasama ang isang alay
na bumubulag katulad ng mga ahas
ni Medusa. Mula sa alindog ng mga
Nimfa, salakay ng buwitre sa daluyong ng saradong kamalayan
ng isip,
ng damdamin,
at kaluluwa.
mula sa mga kapatid ni Helen
na mga anak ni Leda, katulad ka din nila;
naghahatid ng gyera. ikaw, ako sa makabagong Sparta,
nalulunos sa nilay ng gabi, sa gabing malamyos
mga sigaw sa bawat bulong, hahatulan si Hector.
luluha ang mga mata, iaalay ang huling bulaklak,
dadampi ang mga labi kay Achilles.
naglakbay tayo doon sa mga pahina ng Iliad, sumakay
sa bangka ni Odysseus at tuluyang nagapi ng
mga inspirasyon ni Homer. gigising tayo at yayakapin
ang mga orasyon ni Hiawatha. huli na
dahil naigupo na ng unos ang natitirang imperyo
ng ating pagiging mulat, nawala na ang mga handog;
nawala na ang mga ideolohiya, napalitan ng mga ngiti ni Monalisa
na may malisya. hubo’t hubad na Pieta, dinudusta ang birheng maria.
iwanan mo na ako, gusto kong mapag-isa at muling maglakbay
sa limbo ng walang hanggan. doon kung saan malayang tatahakin ang
mabatong daan ng ehipto kasama ang mga templo sa disyerto
ng arabya at latin amerika at hindi ang mga hitang nakabuka.
makikipagtagisan ako kay Shakespeare at Longfellow,
kay Edgar Allan Poe pati na kay Fernando Poe.
babalikan ko si Socrates, si Plato at pati na rin si Herodes.
patuloy akong maghihimas ng pilosopiya ni Aquinas;
nanghihiram ng gintong salita ni Lao tze, ideolohiya
ni Karl Marx, bubusisiin ang bureucrata capitalista
at makikiulayaw sa mga burswa.
muli kong babagtasin ang bundok ng golgota, huhukayin ang kopeta kasama
si emperatris Elena. babangon sa hukay si Amorsolo kasama ang nayon, ang bayanihan
at kung papano nakawin ang kaban ng bayan. sila ang buhay na pornograpiya
na pinakikilos ng makapangyarihang photoshop. babalik ako sa mga alamat,
sa hiwaga ng panulat, lalaruin ang mga kwento
niniigin ang mga aswang,
kapre at tikbalang;
hanggang sa rurok ng orgasmo
kasama ng mga engkanto.
doon ako ay malaya
malayo
sa mundo
ng digitismo.