Mayan Calendar 2012 Prediction

21 Dec 2012 is the end of Mayan Calender which the period is 25,625 years and divided into five cycles of 5,125 years.According to their calculations our solar system will be in one line with Hunab K'u, the center of the Milky Way which is astronomical correct. And from this central galaxy received a 'spark' of light which causes the Sun to shine more intensely producing what our scientists call 'solar flares' as well as changes in the Sun's magnetic field. The Mayans say that this happens every 5,125 years. But also that this causes a displacement in the earths rotation, and because of this movement great catastrophes would be produced. They said that this will be the end of the world..Well, i guess my world too...

Thursday, May 31, 2012

Ulan

Hayan ka na naman
Nagbabadya
Hindi ka ba nagsasawa?
Ilang ulit mo na ba
akong nilunod?
Sa bawat kalungkutan ko
Ikaw’y sumusunod
Minsan
iniwan mo ako
hinanap kita
doon sa disyerto
di kita nakita
Ngayon heto ka
kung kelan limot ko na
ang iyong musika
Kung babalik ka man
at iyong didiligan
luoy na awit
mula sa luha
ng langit
daanan mo rin
nalalanta
kong hardin
Kung di ka makarating
iisipin ko
naglaro ka lang
inilayo ng hangin.
Tama na ang pagwasak
ang pagsalanta
ng iyong gunita
tama na ang agos
tama na ang pagdaloy
sa aking pisngi.
Dagundong mo
nakakabingi
pagdilat ko
wala ka
sa aking tabi.
Nilimot na kita
tinanggal ko na
ang balde
at planggana.
Doon sa lupa
hihigupin ka
ngunit
pagtingala ko sa langit
sa aking pisngi
ikaw ay gumuhit
Ganyan ka ba talaga?
Paulit-ulit?

Di Kita Tinamaan

Di kita tinamaan
Sa paglipas ng panahong
Hindi kita nasusumpungan
Sa mga daang aking nilakaran
Tanging mga bakas na lang ang naiwan


Di kita tinamaan
Pinagmamasdan na lang
Kumukupas mong larawan
Mga gunitang naglalaro sa isipan
Bumabalik tanaw sa kahapong nilisan


Di kita tinamaan
Isinaboy na pag-asa sa karimlan
Hahagilaping pilit, ibabalik sa sisidlan
Sa pagbabalik mo muli kong bubuksan
Lalago sa pagibig, katulad sa isang halaman


Lumubog na ang araw sa kanluran
Dumating na ang tag-tuyot at tag-ulan
Nawala, nahati at bumilog na ang buwan
Ang pag-asa naroon pa rin sa karimlan
Hindi kita tinamaan

Ako at ang Makabagong Sining

mula sa Hades ng aking pag-iisa
dumating ka, kasama ang isang alay
na bumubulag katulad ng mga ahas
ni Medusa. Mula sa alindog ng mga
Nimfa, salakay ng buwitre sa daluyong ng saradong kamalayan
ng isip,
ng damdamin,
at kaluluwa.


mula sa mga kapatid ni Helen
na mga anak ni Leda, katulad ka din nila;
naghahatid ng gyera. ikaw, ako sa makabagong Sparta,
nalulunos sa nilay ng gabi, sa gabing malamyos
mga sigaw sa bawat bulong, hahatulan si Hector.
luluha ang mga mata, iaalay ang huling bulaklak,
dadampi ang mga labi kay Achilles.


naglakbay tayo doon sa mga pahina ng Iliad, sumakay
sa bangka ni Odysseus at tuluyang nagapi ng
mga inspirasyon ni Homer. gigising tayo at yayakapin
ang mga orasyon ni Hiawatha. huli na


dahil naigupo na ng unos ang natitirang imperyo
ng ating pagiging mulat, nawala na ang mga handog;
nawala na ang mga ideolohiya, napalitan ng mga ngiti ni Monalisa
na may malisya. hubo’t hubad na Pieta, dinudusta ang birheng maria.


iwanan mo na ako, gusto kong mapag-isa at muling maglakbay
sa limbo ng walang hanggan. doon kung saan malayang tatahakin ang
mabatong daan ng ehipto kasama ang mga templo sa disyerto
ng arabya at latin amerika at hindi ang mga hitang nakabuka.
makikipagtagisan ako kay Shakespeare at Longfellow,
kay Edgar Allan Poe pati na kay Fernando Poe.


babalikan ko si Socrates, si Plato at pati na rin si Herodes.
patuloy akong maghihimas ng pilosopiya ni Aquinas;
nanghihiram ng gintong salita ni Lao tze, ideolohiya
ni Karl Marx, bubusisiin ang bureucrata capitalista
at makikiulayaw sa mga burswa.


muli kong babagtasin ang bundok ng golgota, huhukayin ang kopeta kasama
si emperatris Elena. babangon sa hukay si Amorsolo kasama ang nayon, ang bayanihan
at kung papano nakawin ang kaban ng bayan. sila ang buhay na pornograpiya
na pinakikilos ng makapangyarihang photoshop. babalik ako sa mga alamat,
sa hiwaga ng panulat, lalaruin ang mga kwento
niniigin ang mga aswang,
kapre at tikbalang;
hanggang sa rurok ng orgasmo
kasama ng mga engkanto.


doon ako ay malaya
malayo
sa mundo
ng digitismo.

Wednesday, May 23, 2012

Tag-ulan

 

Dumating ako kasama ng hangin
Nakipaglaro sa mga bituin
Sa mga pantas at mga alipin
Pati doon sa puso mong may dilim

Nagduyan tayo sa mga halakhak
Naglunoy sa dagat ng ating mga pangarap
At nakipagbuno sa mga panulat
Doon ako’y isang mabangong bulaklak

Dumating na ang tag-ulan
Bumuhos sa nayon at kaparangan
Wala akong masilungan
Kundi ang isang malungkot na paalam

Dadalhin ko ang mga alaala
Muli kong bubuklatin sa aking pag-iisa
Muli kong aawitin ang alay mong musika
Doon sa mundo kong walang pantasya

Aalis ako ngunit may maiiwan
Hindi ang lungkot o saya man
Dumating man ang isa pang tag-ulan
Ngunit sa puso mo, naroon ako kaibigan
Paalam.

Wednesday, May 9, 2012

Panyo



lapida kang itinakip
sa kulay dugong labi
na dulot
ng iyong pag-ibig.

ang iyong mantsa
na di na matatanggal kaylan man
tarak ng punyal
sa puso ko't isipan

mga alaalang itinupi
pagsinta mong kay dali
di na mapapahid pa
ng isa pang pagkakamali

luhang pumatak sa akin
matutuyo sa iyong paglisan,
wala ka ng babalikan
naroon ako sa mga basahan