Katatapos lang ni Bart ng kanyang hapunan, masarap ang pagkain nya ngayon pritong manok na bigay ni Aling Tinay mula sa isang kilalang fastfood chain yun nga lang at may bawas na ito at halatang tira-tirahan. Ngunit di bale na ang mahalaga ay naitawid nya ang kanyang gutom. Kumakagat na ang dilim naroon lang sya sa kanyang tagpi-tagping tirahan habang nakatanaw sa kapitbahay sa kabilang kalye. "Mabuti pa sila aniya sa sarili, maginhawa ang buhay, punong-puno ng mga palamuti ang kabahayan, maraming ilaw hudyat na malapit na para sa kanila ang pasko." Sa tingin din ni Bart ay marami silang pagkain sa hapag kainan dahil wala silang pakundangan kung magtapon ng kanilang pagkain na kung iisipin ni Bart ay pwede pa nyang pakinabangan.
“Hindi talaga pantay-pantay ang mga nilalang” aniya muli sa sarili. “Asan na kaya ang mga kapatid ko? Matagal-tagal ko na rin silang di nakikita, kung bakit naman kasi si Inay anak ng anak pagkatapos ay ipamimigay lang.” Sa pagkakatanda ni Bart ay tatlo silang magkakapatid dalawang lalaki at isang babae. Si Bimbee, tama si Bimbee nga ang kapatid nyang babae tandang-tanda nya iyon dahil madalas itong panggigilan ng anak na dalagita ni Aling Tinay ngunit wala na si Bimbee ibinenta sya sa isang mayamang angkan. Ang isa nyang kapatid na lalaki ay hindi nya alam ang nangyari basta na lang itong nawala at kahit ang kanyang ina ay hindi alam ang nangyari. Nakakalungkot, pero ganun talaga siguro ang buhay. May dumarating at may umaalis at may nawawala.
“Sana wag na lang mag-anak muli si Inay wag na lang sya uling pumatol sa kung sino-sinong lalake na gusto lang syang anakan. Hindi rin naman nya kami kayang buhayin, isang iresponsableng ina! Ano ba ang nakukuha nya sa pagpuputa? At bakit nya naaatim na makipagtalik sa ibat-ibang lalake?” Napakaraming katanungan ni Bart sa kanyang sarili na hindi nya mahanapan ng kasagutan.
Lumalalim na ang gabi at ang ambon kanina lamang ay lumalakas at nagiging buhos na ng ulan. Ang tagiktik ng tulo mula sa sirang bubong ng tagpi-tagping tahanan ni Bart ay nakabibingi at tumatama ang tilamsik nito sa kanyang mukha, isang sampal ng katotohanan na nababalot sya ng kahirapan.
“Asan na kaya si Inay? Kumain na kaya sya? Itinatago ng kanyang basang pisngi mula sa tulo ng ulan ang agos ng kanyang mga luha. Nakatulugan na lang ni Bart ang kanyang mga agam-agam, tumila na ang ulan, natuyo na rin ang kanyang mga luha. Isang malakas ng kalampag ng pinto ang gumising sa katutulog pa lang na si Bart. Atubili itong tumingin sa pinto.
“Inay? Inay! Anong nangyari sa inyo? Bakit duguan kayo?” paika-ikang pumasok ang ina ni Bart sa kanilang tirahan hapong-hapo ito at may mga sugat sa katawan at hila ang kaliwang paa. Sumisirit pa ang sariwang dugo mula sa ulo nito. “Inay anong nangyari? Tarantang tanong ni Bart.
“Ang mga la-la sing sa may ka-kanto napagdiskitahan ako, lu-lumaban a-ako pe-pero marami sila mabuti na la- lang na-nakatakbo a-ako...” pautal-utal nitong sabi kay Bart. Hindi malaman ni Bart ang kanyang gagawin hindi rin maampat ang dugo sa mga sugat at sa sumisirit na dugo mula sa ulo nito. Nanginginig na ang kanyang inay, namumutla na ito hanggang sa mawalan na ito ng malay.
“Inay! Gising! Gising!” halos nilamon ang kanilang tirahan ng kanyang boses na nagmamakaawa at tagpos ng hilakbot at kalungkutan.
“Aling Tinay! Aling Tinay! tulong po!” sunod-sunod na katok at kalampag ni Bart sa pinto ng tahanan nila Aling Tinay.
“Ano ba Bart! Magpatulog ka! Binigyan na kita ng pagkain ah! Kayo talagang mga aso kayo kung hindi patay gutom estorbo!” at malakas nitong isinara ang pinto na halos tumama sa mukha ng asong si Bart.
No comments:
Post a Comment